in

NATUTURUAN BA ANG PUSO?

     ‘”Sino, ang mister ko? wala… sumakabilang bahay na! hahah” may pait ang tawa at winika ni Dina. Mapait din ang katotohanang iniwan siya ng kanyang asawang si Mario. Higit na mapait ang bintang sa kanya ng asawa na siya ang nauna nang iwanan niya ang pamilya upang maging badante sa Italya.

    “Ang misis ko naman , pinitisyon ng kanyang mga magulang kaya ayun nasa langit na silang tatlo hahah” ang nagpapatawang sagot ni Reggie. Lungkot naman ang pilit na itinatago ni Reggie sa mababaw na halakhak. Sa nakalipas na dalawang taon ay hindi pa rin siya makapaniwala na sa edad na 35 ay balo na siya. Higit ang kalungkutan dahil hindi man lamang sila nagkaroon ng anak.

   “Buti ka pa at may dalaga ka na, ako hindi ako binigyan ng kahit isa man lang.” ang wika ni Reggie habang kinukuha ang kulyar ng asong kanina pa tumatahol.  “Sige na, next time na lang ang kuwento at ipapasyal ko na ang solong anak ng amo natin hahaha” ang masayang wika ng balo  habang halos ay hilahin siya ng asong pastore Tedesco na sabik na sabik sa paglabas ng bahay.

    Halos dalawampung taon na si Dina sa Roma. Wala pang isang taon ang kanilang anak na si Olga nang lisanin niya ang Pilipinas. Ang matagal niyang paninilbihan bilang badante sa baldadong maybahay ng kanyang among si Arkitekto Rossi ay mga panahong halos hindi niya namalayang lumipas. Sunod sunod kasi ang mga problemang nakarating sa kanya buhat sa Balayan, ang bayang kanyang sinilangan, bayad sa utang, tuition fees ng mga nakababatang kapatid, mga gamot ni inang, libing ni Inang  at marami pang iba.  Hindi niya namalayan ang paglapit ng wheel chair ni Sra Rossi. Oras na ng paghahanda ng hapunan,  ang kaisa isang Gawain sa bahay kung saan ang senyora ay nakikialam. Nais ng senyora na sa pagkain ng hapunan man lamang ay maipadama niya sa asawa ang kanyang pagmamahal.  Bagay na sa utos ng lalaking amo ay pinagbibigyan naman ni Dina ang among babae. “Buona sera signora, prepariamo la cena?” nakangiting wika ng katulong.

alt“arf arf arf arf” walang tigil ang pagkahol ni Rocky habang tangay nito ang kadenang kolyar at nakatanghod sa harapan ng pintuan ni Reggie. Kitang kita ni Dina ang maagap na pagsunod ng aso sa bawat hudyat ng kanang kamay ni Reggie.

    “Wow that’s amazing” wika pa ni Dina. “paano mo naturuan si Rocky? Ang tanong nito sa katrabaho.

    “Psychology graduate ako sa U S T. and behavioral psyche was my forte.” Sagot ni Reggie habang ipinakikita sa aso ang bukas palad na dahan dahang inilalapat sa sahig. “at heto ang sekreto ko” ipinakita ng lalaki ang mga piraso ng mortadella na isinusubo sa aso sa bawat tamang reaksyon sa galaw ng kanyang kanang kamay. Ang tamang sagot sa huling hudyat ni Reggie ay ang paghiga ni Rocky sa carpet na tulugan ng aso,

    “O ikaw ang magsubo  para sa susunod ay matutunan din ni Roky na sundin ang hand gestures mo” ang maamong bulong ng balo kay Dina. May kasamang pagkilatis ang nakangiting tingin ng badante sa kasamang katulong. Magandang lalaki si Reggie, maaliwalas at laging may ngiti sa kanyang mukha. Maayos manumit at kapunapuna ang kaaya ayang amoy ng gamit na pabango. Matipuno ang katawan at higit sa lahat ay may angking katalinuhan.

     “Kung ayaw mong isubo kay Rocky ang mortadella ay isubo mo kay Reggie para si Reggie na lamang ang susunod sa hudyat mo” may laman ang biro ni Reggie at biglang ibinukas ng todo ang bibig hintay ang kapirasong karneng tangan ni Dina.

    “Heh!! Kaya pala mabilis maubos ang mortedella sa frigo pinagsasaluhan ninyo ni Rocky, o ayan kainin mo” namumula ang pisngi ni Dina habang isinusubo nito ang hawak na karne sa bibig ng lalaki. Bumilis ang tibok ng kanyang puso ng lumapat ang labi ni Reggie sa kanyang palad. 

    Mabilis na lumipas ang panahon at maging ang mag asawang amo ay lalong nahumaling sa alagang aso. Ipinasa ni Reggie ang command system sa mag asawang amo kayat wiling wili sila sa bawat pagsunod ng pastore Tedesco. Mga panahon din na nagpatibay sa nadarama ni Dina kay Reggie. Gusto niyang makita lagi ang katrabahong balo.  Hindi na niya mapigil ang sigaw ng puso gayong wala pang seryosong pagtatapat at puro pabiro lamang ang naririnig buhat sa kasambahay. Maging sa pagtulog ay kaanyuan ni Reggie ang nasasaisip ni Dina. Wari ay naaamoy ng babae maging sa pagtulog ang maayang pabango ng balo.  (Wakas unang bahagi )

 

Ang may akda

Tomasino De Roma  

 

    

Eskwela, suspendido sa Roma bukas

SINGING CONTEST, HANDOG NG CLUB C.O.S.Y. SA KANILANG KAUNA-UNAHANG ANIBERSARYO