in

KAPIT-BISIG PARA KAY CONSOLACION DULAY

Sa pagtutulungan ng Embahada at ng Komunidad, dalawang magkahiwalay na pagtitipon ang ini-alay kay Consulacion Dulay, isang OFW na mayroong terminal skin cancer, at ang tanging kahilingan ay ang makasama ang mga anak at pamilya sa nalalabing buhay.

Roma, Abril 30, 2013 – "Nais ko lamang makauwi ng buhay at makapiling ang aking pamilya" Ito ang wika ni Mrs. Consolacion Dulay, 64 taong gulang, tubong Novaliches, Quezon City.

Ang malubhang kalagayan ang nakatawag pansin upang ang OWWA, ang Embahada at ang filcoms sa Roma sa pangunguna ni Rome City Councilor Romulo Salvador ay nagkaisang kumilos upang sya ay matulungan.

Taong 1984 nang si Dulay ay dumating sa Roma at napasok agad bilang assistant cook sa isang Italian restaurant. Sa kasalukuyan, ay halos pitong taon na siyang walang trabaho at permit to stay hadlang sa lubos na health assistance na kinakailangan, sapat na dokumentasyon, gayun din ang kawalan ng sapat na halaga upang makauwi ng Pilipinas.

Buwan ng Marso nang sinamahan ni Salvador sina welfare officer Loreta Vergara at OWWA admin staff Heart Sangco sa tahanan ng maysakit.

Sa unang mga dokumentasyon ay natuklasang mahigit tatlong taon na ding walang OWWA payment si Mrs Dulay kaya’t minabuti ni Welfare officer na kumpletuhin ang personal, clinical records, at certificate of fit to travel and non contagious disease na siyang kailangan sa paglalakbay pabalik sa Pilipinas.  Ang mga dokumentong nalikom ay agad na isinumite  kay ATN officer Antonio Balladolid, upang agad na maapruban ang travel expenses ng maysakit na ofw.  Noong Abril 26 ay dumating ang approval buhat sa Pilipinas at agad kumilos ang embahada sa pagbili ng tiket ni Mrs Dulay.

Sa kabilang panig naman ay mabilis na nakipagtulungan si Councilor Salvador sa mga filcom leaders upang magsagawa ng dalawang sunod na solidarity and fund raising activities upang pinansyal na matulungan si Mrs Dulay.

Isang ‘dinner-concert for a cause’ na pinamagatang ‘…sa mundo ng kawalan’ Pinoy Unplugged noong ika-14 ng Abrile 2013 sa Teatro Volturno ang unang ginanap. Ito ay isang reunion concert ng mga Pinoy local bands na pinangunahan nila Jojo Villanueva ng Unique Entertainment at Vickie Villanueva ng FILMAG o Filipino Musicians and Artists Guild.

Ang masayang dinner concert ay dinaluhan ng mga banda at mang-aawit tulad ng 4th Session Band, Queencel, Jeff Bacaro, Sonny Arciaga at Roommates. Hindi naman nagpahuli sa entablado ang musikerong si Mulong at ang mga organizers ng konsiyerto. Ito rin ay dinaluhan ni Monsignor Jerry Bitoon at ilan pang Pilipinong nagbigay ng kanilang suporta sa makabuluhang hangarin nito. Ang nasabing pagtitipon ay nakalikom ng Euro 400.00

Tatlong araw bago ang nasabing konsyerto, inilabas ng ospital si ginang Consolacion. Kanyang ninais na matunghayan ang pagdiriwang ngunit minarapat na magpalakas na lang sa kaniyang bahay. Habang tumutugtog ang mga banda, isang maikling video clip ang ipinapakita sa white screen kung saan ipinakita ng organizer ang kalagayan ni ginang Consolacion noong siya ay nasa ospital. Hindi man makita ang kanyang mukha, bakas sa kanyang mga kamay at binti ang epekto ng kanser sa kanyang katauhan. Isa ring sound clip ang ipinakinig kung saan buong pusong nagpasalamat ang ginang sa lahat ng tumulong sa kanya.

Ang malungkot na storya ni Consolacion ay nakarating din sa mga pinuno ng  AS-FIL Roma, isang sports oriented organization. Isa namang ‘strike for a cause’ ang isinagawa noong April 25, 2013 sa Brunswick Bowling Roma. One day bowling tournament naman ang nagsilbing ebento upang makalikom ng pera para kay Ginang Dulay. Maliban sa FilMAG Administrator Vickie Paguio Custodio at Konsehal Salvador, ay nakipagtulungan rin ang AS FIL-ROMA Teddy Perez at Luis Salle, ang TPZ Bowling Randy Fermo at Jimmy Saguinsin at mga miyembro ng ONE GANAP GUARDIANS, ROME CHAPTER, ang A.S.D. TEVERE POWER ZONE na isang professional Filipino-Italian Bowling team.

Suporta mula sa 25 na bowlers ang dumalo. Hinati sila sa 2 grupo ng mga professional at amateur players. Ang mga sumuportang manlalaro ay sina:

PROFESSIONALS

Glenn Manalili

Hommer Biscocho

Jimmy Saguinsin

Ma. Rafaelita Figueroa

Alex Valdes

Leo Del Espiritu

Leonardo Saguinsin

Randy Fermo

Sandro Sattanino

AMATEURS

Zandy Lozano

Renel Escobar

Remias Panganiban

Nelson Siman

Nick Abiad

Bobot Manibo

Licerio Reyes

Mervin de Jesus

Thelma Sawali

John Garcia

Denie Savedra

Ariel Basinillo

Felix Romeo

Albert Malabrigo

Romulo Salvador

Teddy Perez

Para sa Amateur, pitong teams ang nagsagalpukan sa elimination round kung saan kinuha ang 4 top teams. Para sa Professional, ang top 4 naman sa elimination ang isinama sa top 4 teams ng Amateurs upang maglaban laban para sa final round. Tinanghal na Champion ang kuponan nila Leo Saguinsin, Remias Panganiban at Teddy Perez. Second place ang grupo nila Randy Fermo,  Denie Savedra at Licerio Reyes at pumangatlo naman ang grupo nila Jimmy Saguinsin, Zandy Lozano at Renel Escobar.

Sa torneo, isang Pinoy buhat sa Italian Pharmacy (Tony Malabrigo), ang nakilahok at nagdala ng isang kahong Gentalyn creme na siyang pangunahing gamot sa mga sugat ni Consolacion Dulay. Ang "strike for a Cause" ay  nakalikom  ng  euro 240.00.

Buong pasasalamat ng mga organizers sa lahat ng lumahok sa maliit na torneo na ito upang makatulong sa ating kababayang makapiling ang kanyang pamilya sa mga huling sandali ng kanyang buhay.

Sa pakikipag-ugnayan sa embahada, sinasabing si Mrs Dulay ay maaaring makalipad sa darating na Mayo 5, 2013. (Jacke de Vega at Tomasino de Roma)

MTB HAGIBIS 2013 1-Day Short Track Race, kumarera sa Roma

BUMOTO AT MAKILAHOK SA ATING HALALAN