in

Ang Boto ko, para sa Kinabukasan mo at ng ating Sambayanan

Ang Boto ko, para sa Kinabukasan mo at ng ating Sambayanan, isang Election-Educational Campaign na hangaring matawag at mapukaw ang interes ng bawat Pilipino upang makibahagi atmagamit ang karapatn ng pagboto.

 

Roma, Pebrero 18, 2016 – Isang matagumpay na forum “Ang Boto ko, para sa Kinabukasan mo at ng ating Sambayanan” ang ginanap noong nakaraang Linggo Pebrero 14, 2016 sa Sentro Pilipino sa Roma.

Ang Election-Educational Campaign, sa pagtutulungan ng Embahada ng Pilipinas, SPC Socio Cultural Health & Sports Committee, asosasyon, grupo at indibidwal ay naglalayong maipabatid sa napakaraming overseas Filipinos ang kahalagahan ng eleksyon, ang paraan at pamantasan ng pagpili ng mga kandidato at ang proseso ng isang malinis at mapayapang eleksyon.

Higit na ipinaliwanag sa forum ang eleksyon batay sa pagboto ng mga Filipino overseas o ang Overseas Absentee Voting.

Upang maipakita ang sitwasyon ng mga OFWs sa Italya ay unang tinalakay ni Egay Bonzon ang RA 9189 o ang OAV Act at ang hindi tamang rapresentasyon sa sectoral party list lalo’t higit sa may kinalaman sa mga migrante.

Bahagi rin ng nasabing forum si Sis. Beth Pedernal. Ayon sa madre, mula pa noon Vatican II ay mayroon nang mga panuntunan ang simbahan sa pagkilos hinggil sa social-political issues. Ilan umano sa mga panuntunan sa pagpili ng kandidato ay batay sa kanyang dignidad, moralidad, rispeto sa buhay at kalikasan, asosasyon o lipunang ginagalawan, makamahirap, makatao, pakikisalamuha ng pantay-pantay at pamumuno ng may benepisyo sa lahat o good governance.

Hindi natatapos sa pagboto ang responsabilidad ng isang mamamayan bagkus ay kailangan rin na bantayan ang bawat kilos ng mga nahalal”, ayon pa kay Sis. Beth.

Kaugnay nito, ipinaliwanag naman ni Ambassador Nolasco ang lebel at responsabilidad ng Embahada batay na rin sa panuntunan na itinalaga ng Comelec. Sinabi pa ni Ambassador Nolasco na batay sa bilang ng mga rehistradong botante sa Italya, na higit sa 59,000 ay itinalaga ang paggamit ng Automated Election Process o ang pagbibilang at pagta-tally sa mga boto sa pamamagitan ng isang machine sa Roma, Milan, Madrid at Londra. Samantala, manual counting naman sa iba pang siyudad ng Europa.

Ang Overseas Voting ay magsisimula sa April 9 at magtatapos sa ganap na alas 5 ng hapon ng May 9, 2016. Ang eleksyon sa Italya ay magaganap sa Roma at Milan. Ito ay sa pamamagitan ng personal vote o personal na pagpunta sa Embahada upang bumoto o sa pamamagitan ng modified posting voting system o ang mga balota ay ipapadala sa posta, bumoto at ihulog muli sa posta o personal na dalhin sa Embahada sa loob ng mga itinakdang araw hanggang May 9.

Pagdating ng makinarya, isa pang forum upang ipaliwanag ang automated system”, dagdag pa ni Ambassador Nolasco.

Si Consul General Leila Santos naman ang sumagot at nagpaliwanag sa naging talakayan bago tuluyang magtapos ang forum. Ipina-alala ni ConGen ang na ang listahan ng mga rehistradong botante ay maaaring tunghayan sa website ng Comelec: www.comelec.gov.ph.

Ang daloy ng forum ay pinangasiwaan ng Teddy Dalisay ng Umangat Migrante at sa pagtatapos ay sinabing magkakaroon ng kasunod na forum upang pag-usapan naman ang mga kandidato, ang kani-kanilang mga profile at mga plataporma.

 

ni: Tomasino de Roma

larawan ni: Boyet Abucay

Paraan ng Pagboto ng mga Overseas Filipinos sa Halalan 2016

Free t-shirt printing, ginawa ng Duterte Volunteer Group sa Roma