in

Mahal na mahal pa rin kita

 

Iniwan kitang natutulog pa
Gisingin ka'y 'di ko na ginawa
Para hindi kita magambala
Sa iyong pamamahinga't paghiga
Hindi mo na rin siguro nadama
nang yakapi't hagkan kita

Hindi pa nakakalayo'y ikaw na'y naalala
Hinayaan na naman kitang nag-iisa
Lalo pa't panaho'y malamig na
Mahigpit dapat sana'y akap akap ka
Malulungko't mababagot kang talaga
Kaya't humihingi ako ng pang-unawa

Aking biyahe'y nagpatuloy pa
Magagandang tanawi'y aking nakikita
Ang kapaligira’y kaaya-aya't kakaiba
sa aking mata’y nagbibigay ng tuwa
ngunit alam kong ito'y pansamantala
dahil sa piling mo lang tunay na ligaya

Sa pinanggalinga'y umalis na
Maraming bagay pinag-usapa't ginawa
Nagkatuwaan at nagkantahan pa
ngunit ako'y nanlulumo talaga
At ika'y hindi ko nakasama
Sana mas lalo pa akong masaya

Mahal ako'y pabalik na
Paglalakbay sana'y 'di maantala
upang sa piling mo'y agad makadating na
labis ko nang pinanabikan aking sinta
Ang muling ika’y mayakap, mahagkan at makita 
Upang sabihing mahal na mahal parin kita

ni: Demetrio-Bong Ragudo Rafanan – larawan ni: Boyet Abucay

Maroni at Storace – Kontra sa reporma para sa ikalawang henerasyon

Dalawang dalagita lumayas at nagtungo sa kasintahan, natagpuan ng awtoridad