Pinoy, namatay sa bugbog ng kapwa Pinoy

Isang Pilipino, nagngangalang Anthony Edison Topacio, 34 anyos ang namatay dahil sa bugbog ng tatlong kababayang Pilipino madaling araw ng Nov. 3.

Milan, Nov 3, 2012 – Ang Pinoy ay binugbog dahil umano sa drugs sa labas ng sala bingo ng Viale Zara, sa angolo ng Viale Marche, parteng hilaga ng lungsod ng Milan.

Mabilis na sumaklolo ang 118 at sinugod ang binata sa Fatebenefratelli hospital (red code). Sa kasamaang palad ay binawian ng buhay ang binata makalipas ang ilang sandali.

Isang video ng mga pangyayari ang nakuha ng mga imbestigador kung saan nakilala ang mga salarin. Sina Mark Dimapasoc 28 anyos, Leonil De la Chica 26 anyos at Rafael Pujanes 24 anyos; ang huling dalawang nabanggit ay mayroon ng mga police record.

VIDEO sa Facebook. Isang konsehal ng Comune di Milano, Marzio Ferrario ang kumuha ng video at sinubukang pigilan ang away. Pagkatapos ay ipi-nost ang video sa facebook, ipinalabas sa Tgr ng Rai pagkatapos.

Ayon sa mga report, narito ang kanyang comment 2.47 kaninang madaling araw: “Hatinggabi ng sinubukan kong awatin ang away sa Viale Zara-Marche. Ang binata ay binawian ng buhay sa ospital. Ngayon ako ay kasalukuyang nasa himpilan ng pulis upang maging testigo sa mga pangyayari at ang tatlong salarin ay inaresto. Isama natin sa ating panalangin ang binata”.

Sa video ay malinaw na makikita ang mga tao at mga sasakyan na paroo’t parito na tila walang nagaganap, ngunit bandang huli ang pakikipagtulungan  ng mga residente ay malaki ang naitulong upang mahili ang mga salarin.

Ang tatlo, ay inaresto malapit sa lugar ng krimen at mayroon pang mansta ng dugo ang kanilang mga damit.