in

Pinoy na nanggahasa sa dating asawa, arestado sa Roma

Primavalle, ROMA. Inaresto ng mga carabinieri noong Biyernes, ika -20 ng hulyo 2018, ang isang 33 anyos na Pinoy matapos itong ireklamo ng kanyang dating asawa dahil umano sa paghostage sa kanya at pagsasamantala.

Batay sa ulat, araw ng biyernes ng magpunta ang lalaki  sa lugar na pinagtatrabahuhan ng kanyang dating misis na isa ring Pinay, 33 anyos.

Sa paguusap ng dalawa ay nakumbinsi diumano ng lalaki ang dating asawa na magpunta sa bahay nitong huli para naman daw makasama nito ang kanilang mga anak. Ayon sa ginang, may halos isang buwan na daw silang hiwalay ngunit hindi ito matanggap ng kanyang dating asawa.

Kasama ang dalawa nilang anak ay pinagbigyan niya ang kanyang ex na “makabonding” nito ang mga bata sa kaniyang bahay.  Subalit nang nasa loob na sila ng bahay ng lalaki ay saka lamang napansin ng babae ang masamang balak ng dating konsorte.

Agad nitong tinangkang tumakas ngunit siya ay pinigilan nito at tinutukan ng kutsilyo habang ang mga anak nila ay mga umiiyak na nakatingin. Kinaladkad ng lalaki ang dating asawa papunta sa kuwarto at doon ikinulong samantalang ang mga anak ay naiwan sa kusina. Sa loob din ng kuwartong iyon pilit na pinagsamantalahan ang babae na hindi nagawang manlaban dahil sa sobrang takot at dahil na rin sa pagbabanta ng lalaki armado ng kutsilyo.

Matapos ang episodyong ito ay nakakuha ng tiyempo ang babae at nakahingi ng saklolo sa kanyang kapatid na agad namang dumating at tinulungan silang makatakas kasama ang dalawang anak .

Agad na naitawag ang pangyayari sa mga Carabinieri ng Nucleo operativo ng Roma Trastevere Company na agad namang rumisponde at nagpunta sa bahay kung saan nagtago pansamantala ang magiina. Matapos makakuha ng mga mahalagang impormasyon, agad na nagtungo ang mga ito sa bahay ng lalaki at makalipas ang ilang oras napaghahanap ay kanila itong natunton sa di kalayuan ng kanyang tirahan at agad itong inaresto.

Hinalughog ng mga awtoridad ang bahay ng akusado at kanilang nakuha ang kutsilyong ginamit nito sa pananakot at pagtutok sa dating asawa.

Napagalaman na ang arestado ay kilala na ng mga awtoridad sa iba pa nitong kaso, matagal ng residente sa Roma at matagal na panahon na ring walang trabaho.

Ang lalake ay kasalukuyang nakakulong sa Regina Coeli at sinampahan ng kasong “sequestro di persona” at sexual assault.

Quintin Kentz Cavite Jr.

Padre de pamilya, nalunod sa Ticino River sa Milano

1 day basketball league “for a cause”, idinaos sa Roma