in

Padre de pamilya, arestado sa kasong pambubugbog sa kanyang mag-ina

Arestado kamakailan ang isang padre de pamilya sa kasong pananakit at pambubugbog sa kanyang asawa at anak na babae matapos magpalabas ng kautusan ang giudice per le indagini preliminari o GIP ng Messina.

Hindi ito ang unang pagkakataon na sinaktan ng 25-anyos na pinoy na dapat ay ama ng pamilya ang kanyang mga kasama sa bahay. Matagal umanong tiniis ng babae ang pananakit ng asawa. Unang dahilan ay upang proteksyunan ang kanilang pamilya sa pag-asang magbabago pa ang lalake, pangalawa ay ayaw mapahiya sa kanyang mga kakilala kapag nalaman ang tunay na sitwasyon sa loob ng kanilang bahay. Pero ang pagtitimpi ay natapos sa pagkakataong ito.

Biktima rin ang anak nilang babae na menor de edad pa.

Ang karaniwang ugat ng pananakit ng lalake ay ang sobrang selos lalong lalo na kapag social media tulad ng facebook ang mapag-uusapan.

Isang bagay ang hindi maikakaila ng inaresto sa tuwing mangyayari ang mga episodyo ng pambubugbog: lagi umano itong lulong sa ipinagbabawal na gamot.

Sa mga unang pagkakataon ay suntok at sampal lamang ang inaabot ng mga kapamilya nito. Nang lumaon ay naging mas biyolente ito at kamakailan nga ay sinaktan ang kanyang mag-ina gamit ang baston, may hawak pang samurai, at isang air gun.

Dito na nagkalakas ng loob ang babae na humingi ng tulong sa mga alagad ng batas.

Ayon sa report, bakas sa mukha ng mga biktima ang trauma at kitang kita rin ang mga pasa sa kanilang katawan.

Nasa panig naman ng biktimang mag-ina ang mga magulang ng lalaki, ang mga bukod tanging nakakaalam ng tunay na sitwasyon sa loob ng apat na sulok ng bahay ng pamilyang ito sa Messina.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

 

Pinoy, arestado sa kasong rape sa Como

4th Charter Anniversary ng GE Central Legion at 15th Foundation Anniversary ng Samahang GUARDIANS, ipinagdiwang sa Roma