in

Male Prostitution sa Roma, tinutukan ng mga awtoridad. Isang Pinoy, huli sa akto

Ang Villa Pamphili ay isa mga pinakamalawak na parko sa Roma Capitale kung saan maraming mga turista at mga residente ang malimit magpalipas ng oras sa pagjojogging, pagbibisikleta, o kaya’y sa simpleng pag-upo sa lilim ng mga puno at paglanghap ngsariwang hangin. 

Subalit mayroon ding madilim na bahagi ang mukha ng parkong ito. Sa katunayan kilala din ang nasabing parko bilang tagpuan ng mga may mga masasamang imahen sa lipunan. Malimit na nahuhuli sa lugar na ito ang mga sangkot sa pagbebenta at pagkonsumo ng ipinagbabawal na gamot at pati na rin ang may kaugnayan sa prostitusyon. Kamakailan lamang, ika-19 ng oktubre, anim ang inaresto ng mga pulis dahil sa lantarang pagbebenta ng katawan sa parko. Isang partikular na aspekto ng pangyayaring ito ay ang pagkakasangkot ng anim na male prostitutes, kabilang ang isang pinoy.

Matagal ng nakatanggap ng mga reklamo ang pulisya ng RomaCapitale ukol sa nagaganap na prostitution business sa Villa Pamphili mapaumaga man o mapagabi. Sa utos ng alkalde ng Roma na si Virginia Raggi at ng Presidente ng  Parchi  di Roma Capitale na si Marco Doria, inilansag ni Comandante Antonio Maggio ang isang espesyal na operasyon kung saan ang ilang kapulisan na nakabihis sibilyan ay nagpanggap na mga turista, siklista, o mga ordinaryong ama ng mga bata na naglalaro sa parko habang abala ang mga mata sa pagmamatyag sa paligid. Dito nila napatunayan ang aktibong prostitusyon kahit pa sa kailaliman ng matinding sikat ng araw. Ang malimit gamiting kuwarto ng mga sangkot ay ang mga puno ng parko.  Agad inaresto ang anim na male prostitutes, kasama ang isang 30 anyos na pilipino, pati na rin ang kanilang mga kliyente, dalawang italyano at apat na mga turista. Nakablotter na sa mga awtoridad ang mga nabanggit at sa kasalukuyan ay inaayos pa ang kasong isasampa na maaaring mauwi sa kasong “public indecency o public lewdness”. 

Samantala, kasabay ng papuri at  pagpapasalamat ni Marco Milani sa mga miyembro ng Oplan Anti-prostitution, kaniya ding binanggit na hindi pa dito nagtatapos ang kanilang imbestigasyon. Nais alamin ng mga awtoridad kung sa likod ng episodyong ito ay may  sangkot na malalaking iligal na organisasyon.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.

63 anyos na Pilipino sakay ng bisikleta, nabangga sa Bologna

Libretto famiglia: halaga, paraan at panahon ng pagtanggap nito