in

Mga dapat malaman sa Pananakit ng ulo

Ang pananakit ng ulo o headache o migraine ay isang uri ng sakit na may iba’t ibang sanhi.

Narito ang iba’t ibang uri at sanhi ng pananakit ng ulo  

Maaaring mapigilan ng pananakit ng ulo ang trabaho o mga pang-araw araw na gawain o kaya’y kasiyahan sa buhay dahil magiging mayayamutin ka o irritable. Ang pananakit ay maaaring bahagya lamang o matinding kirot, at tumitibok-tibok o pumupukpok at walang hinto. Ang iba ay pansamantala, at ang iba naman ay pangmatagalan at pabalik-balik. Anumang uri ng pananakit ng ulo ay nangangailangan ng kaukulang paggamot.

Mga uri ng pananakit ng ulo:

i) Migraines. Ito ay matindi at paulit-ulit na sakit ng ulo at malimit ay may kasamang pagkahilo, panlalabo ng paningin, pagkabingi at pagsusuka. Ang labis na pananakit ng ulo ay maaaring nasa isang panig lamang ng ulo.

ii) Pananakit ng ulo sanhi ng suliranin sa panunaw. Karaniwan itong may kasamang sakit sa tiyan, bato at apdo. Minsan sinasabing may kaugnayan ang pananakit sa sobrang pag-inom ng alcohol at pagiging sensitibo sa pagkain.

iii) Pananakit ng ulo sanhi ng pagkapagod. Ang kirot ay nagsisimula sa leeg paakyat sa bungo.

iv) Pananakit ng ulo sanhi ng pag-aalala. Ang pag-urong ng kalamnan ay nagiging sanhi ng katamtamang pananakit ng ulo mula leeg hanggang noo.

v) Pananakit ng ulo sanhi ng pamamaga ng sinus, lalo na ng  bungo o ng bao ng ulo. ang pamamaga ng mga lining ng isa sa walong sinus cavities ay maaaring maging dahilan ng malalim at matagalang pananakit sa palibot ng mga mata, ilong at ulo.

vi) Pananakit ng ulo sanhi ng pagkabahala o pagkabalisa. Ang kirot ay gumuguhit sa noo.

Mga sanhi ng pananakit ng ulo ay ang mga sumusunod:

Pagbabara ng daluyan ng dugo at pagbabago ng daloy ng dugo o hangin sa utak; mga namamanang abnormalidad, gaya ng problema sa hormone ng katawan; mataas na presyon na naramdaman sa likod ng batok; maling postura ng katawan; labis na pagod; labis na pagkalungkot; pag-aalala at pagkabahala; baradong ilong dahil sa sipon; allergy; pagkalango sa alak; sobrang paninigarilyo; maling paggamit ng gamot; bago at habang nagreregla (para sa mga babae); pagpapalit o pagbabago-bago ng klima; labis na pag-iisip; mataas na lagnat; puyat; hindi balanseng pagkain; istrok o alta-presyon; at tumor sa utak.

Sa pangkalahatan kinakailangang kumonsulta sa doktor kapag may hindi maipaliwanag na pagbabago sa pangangatawan at dumadalas ang pagsakit ng ulo. Kahit na hindi malala ang pananakit ng ulo, makabubuti pa ring sumangguni sa espesyalista kapag naramdaman ang mga sumusunod:

i) matindi ang sakit ng ulo at dumarating ito nang walang anumang babala;

ii) may kasamang pagkalito, panlalabo ng paningin, bahagyang pagkaparalisa, pagkawala ng malay-tao, at iba pang karamdamang may kinalaman sa utak;

iii) nilalagnat at naninigas ang leeg o kaya ay nahihirapang pihitin ang ulo nang pakaliwa o pakanan;

iv) nagiging madalas ang pagsakit ng ulo at higit itong matindi kaysa dati o kaya ay nagiging paulit-ulit ito nang wala namang nakikitang dahilan; at

v) naaalimpungatan tuwing gabi dahil sa pananakit ng ulo.

Ang mga pagsusuri para malaman ang dahilan ng pananakit ng ulo:

pagsusuri sa dugo gaya ng glucose, CBC, C-reactive protein, Erythrocyte sedimentation rate (ESR) para malaman kung mayroong pamamaga sa sistemang nerbiyos; cervical spine at facial x-rays; CT scans o MRI para makita kung may pagdurugo, stroke o tumor; at lumbar puncture (spinal tap) para malaman kung mayroong ebidensiya ng impeksiyon, pagdurugo o meningitis.

Ang mga pagsusuri para malaman ang dahilan ng pananakit ng ulo

Gamot sa pananakit ng ulo

Pamamaraang medical

Kapag nakakaranas ng paulit-ulit na pagsakit ng ulo, mahalagang suriin kung ano ang sanhi nito. Makatutulong ito upang malaman kung ano ang mga bagay na nagpapasimula ng sumpong ng pagsakit ng ulo – pagkain, labis na paninigarilyo o pag-inom ng alak, masyadong marami o kaunting tulog, kakulangan sa ehersisyo, pagbabago ng panahon, stress sa trabaho, pamilya o stress personal,  o kaya’y paninibago sa gamot na iniinom gaya ng birth control pills o hormone replacement therapy. Sa paraang ito ay malalaman kung paano makokontrol ang pagsakit.

Makipagtulungan sa iyong doktor upang malaman kung ano ang pinakamabuti para sa inyo. Maaaring magrekomenda ang inyong doktor ng decongestant upang mabawasan ang pamamaga kung baradong sinus ang dahilan ng pagsakit ng ulo. Maaari din kayong bigyan ng antibiyotiko kung may impeksiyon; o kaya ay pampakalma ng kalamnan para sa tension; antihistamines para sa allergies; at tranquilizers o anti-depressants para sa pananakit ng ulo na may kinalaman sa psychiatric disorders.

Ang alternatibong paggamot ay maaaring makatulong sa iba’t ibang uri ng sakit sa ulo. Ang acupuncture o acupressure ay maaring makapagpaginhawa sa katawan at makapagpaluwag ng daloy ng dugo at enerhiya sa katawan. Makakatulong ito upang mapasigla ang ilang bahagi sa ulo, leeg, kamay at mga paa. Ipinapayo ng mga propesyunal na maglagay ng diin sa pagitan ng hinlalaki at hintuturo.

Sinasabing ang holistikong paggamot ay kapaki-pakinabang upang mapawi ang pananakit ng ulo sanhi ng tensiyon dala ng maling pag-aalaga ng kalusugan. Makakatulong ang mga sumusunod upang mailabas ang mga tensiyon sa katawan: uminom ng tsaa mula sa halamang gamot o kapsulang mula sa halamang-gamot gaya ng mint tea at rosemary tea; magpahilot ng may aromatherapy o paggamit ng mga langis na mabango; mag-aral ng mga ehersisyo sa yoga; magpamasahe sa eksperto shiatsu o reflexology, o kaya’y masahihin ang sarili; at sumailalim sa hydrotherapy.

Mag-relaks hangga’t maaari upang maibsan ang pananakit ng ulo

Narito ang ilan sa mga simpleng paraan upang maibsan ang pananakit ng ulo:

i) mahiga ng komportable sa isang tahimik, madilim na silid. Isara ang mga kurtina, isara ang telebisyon at tanggalin ang pagkakabit ng telepono o i-off ang cellphone. Mag-relaks hangga’t maari. Lumanghap at bumuga ng hangin nang malalim habang ipinapahinga ang mga masel.

ii) iminumungkahi ang positibong pag-iisip – halimbawa, ang isang magandang tanawin ay makapagpapagaan ng isip at ang katawan.

iii) mag-hot shower at hayaan ang lagaslas ng tubig na dumaloy sa tensiyonadong masel na nagdudulotng sakit ng ulo.

iv) magpamasahe ng leeg at batok.

v) sikaping matulog ng mahimbing.

vi) makinig ng banayad na musika.

vii) iwasang kumain ng tsokolate, sausages, deli meats, pate at tapang karne; delatang isda o sardinas, tahong, talaba at karne ng mga ilahas na hayop; binurong keso; butter at whole cream; oliba, pikels, at iba pang binurong gulay; lentis; sibuyas, repolyo at chick peas.

viii) iwasan ding uminom ng alak, lalo na ang serbesa, kape, tsaa, cola drinks at tsokolateng may gatas.

GABAY KALUSUGAN handog ng FNA-ROME

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Inps contact center Ako Ay Pilipino

Inps, narito ang Contact Center 2021

May pahintulot na bang magpunta ng ibang Rehiyon? Kailan kailangan ang green pass?