in

7 benepisyo ng regular na pag-jogging

7 benepisyo ng regular na pag-jogging

Ang pag-ehersisyo ay gamot. Hindi lang ito kasabihan kundi isa ring katotohanan.

Marami na ang mga ebidensiya mula sa siyensiya ang nagpapatunay na ang regular na ehersisyo (150 minuto kada linggo o 30 minuto – limang beses kada linggo), partikular na ang pagjo-jogging ay may benepisyo sa kalusugan.

Ang pagjo-jogging o marahang pagtakbo ang isa sa pinakakilala at pinakamadaling paraan ng pag-eehersisyo na kayang gawing ng kahit na sinuman, mapa-babae o lalake, maging ang mga bata hanggang sa mga matatanda. Dahil sa pagiging simple, madaling gawin, at walang gastos sa pag-eehersisyong ito, talaga namang patok ito sa lahat. Ang tanging kailangan lamang naman para gawin ito ay sapatos na pantakbo at isang lugar na malaya kang makakatakbo.

Kung gagawin ito nang regular o gagawin nang bahagi ng pamumuhay, partikular sa panahon ng pandemya, tiyak na makakamtan ang benepisyong hatid nito sa kalusugan. 

1. Pampasigla ng pag-iisip

Napatunayan ng ilang mga pag-aaral na ang pagjo-jogging ay nakatutulong sa pagpapasigla ng pag-iisip.  Bukod dito, ito ay pampatalas din ng isip. Sa isang pag-aaral ng Psychonomic Bulletin & Review, inilahad nito na ang regular ehersisyo ay nakakatulong para malabanan ang pagbaba ng memorya sa pagtanda.

2. Pampabawas sa nararanasang stress

Ang hormone na endorphin o ang pampasayang hormone ay nilalabas din ng utak sa panahon ng pagjo-jogging. Kaya naman talagang mababawasan ang stress na nararanasan kung regular na magjo-jogging. Nakakapagdulot din ito ng pagkakaroon ng positibong disposisyon sa buhay. 

Sa pag-aaral na lumabas sa Medicine and Science in Sports and Exercise, nalaman ng mga mananaliksik na ang isang pagsabak sa ehersisyo tulad ng 30 minutong pag-jogging ay agad na nakakapag-angat ng kalooban ng isang tao na dumaranas ng mabigat na depresyon. Ipinapakita rin ng ilang pag-aaral na ang pag-ehersisyo ay nakakapag-protekta laban sa pagkabalisa at depresyon. Ang katamtamang ehersisyo ay nakatutulong din sa mga tao na kayanin ang pagkabalisa at stress kahit na tapos ka nang mag-workout.

Sa isang pag-aaral sa Journal of Adolescent Health napatunayan na ang 30 minuto ng pagtakbo kada linggo sa loob ng tatlong linggo ay nakapagpapabuti ng pagtulog, nakakapag-ayos ng kalooban at konsentrasyon sa buong araw.

 3. Pampalakas ng resistensya

Higit ding lumalakas ang resistensya ng katawan ng taong regular na nagjo-jogging sa umaga. Ito ay dahil naman sa pagiging mas aktibo ng mga cells na lumalaban sa mga mikrobyo sa tuwing nag-eehersisyo. 

Ang pagtakbo ay nakakapagdagdag din ng bone mass at nakakatulong ito para malabanan ang paghina ng buto bunga ng pagtanda.

4. Pang-iwas sa altapresyon at sakit sa puso

Ang pagjo-jogging, gaya rin ng ibang aerobic exercise, ay may benepisyong maibibigay sa puso o sistemang cardiovascular ng katawan. Ang pagbilis ng tibok ng puso dahil sa tuloy-tuloy na pagtakbo ay mahusay na paraan para mabawasan ang pagbabara sa mga ugat. Maiiwasan din ang ilang mga kondisyon gaya ng altapresyon kasama na ang mga komplikasyon nito gaya ng stroke at sakit sa puso.

5. Pang-iwas sa sakit na kanser

Isa pang mabuting epekto ng pagjo-jogging ay ang mas maliit na posibilidad ng pagkakaroon ng kanser. Dahil ito sa mas maayos na pagkalat ng oxygen sa buong katawan habang tumatakbo. Isa sa mabubuting epekto ng oxygen sa katawan ay pagpapabagal nito sa pagkalat ng cancer cells sa katawan.

 6. Pangontra sa sakit na diabetes

Mas nakokontrol naman ang sakit na diabtese kung regular na tumatakbo sa umaga. Alalahanin na ang ang sakit na diabetes ay mas lalong lumalala sa mga taong walang aktibong pamumuhay.

7. Pampabawas ng sobrang timbang

Gaya rin ng iba pang paraan ng pag-eehersisyo, ang pagjo-jogging ay mahusay na paraan ng pagbabawas ng sobrang timbang ng katawan o obesity dahil ito ay nakakapagsunog ng calories. Dahil dito ay nakadadagdag ito ng self-confidence, nakapagbibigay din ito ng isang malusog at physically fit na katawan. (Source: www.medico.ph)

Bakas ng Covid19 sa mga pampublikong transportasyon, kumpirmado

Bagong regulasyon ng Italya sa mga babalik mula Europa, pinalawig