Idoneità Alloggiativa, higit sa 300 euros

Kahit sa Rovato ay itinaas ang halaga ng certificato di idoneità alloggiativa na kailangan para sa family reunification at carta di soggiorno. “Kakailanganin ang mga tekniko at mga pagsusuri”.

 

Roma, Agosto 25, 2015 – Sa kabila ng lumabas na sentensya ng hukom at kasabay ng mga pangakong hindi pa tinutupad ng gobyerno, ay parami ng parami ang mga Comune kung saan ang certificato di idoneità alloggiativa ay nagiging isang pahirap sa mga migrante.

Ang pinakahuling nadagdag ay ang lungsod ng Rovato, sa probinsya ng Brescia. Ang administrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Tiziano Belotti,na inayunan ng karamihan ng Lega Nord, ay itinaas kamakailan sa halagang 312 euros at kasama ang revenue stamp ng 16 euros, ang kabuuang halaga ng sertipiko.

Ang sertipikong ito, tulad ng alam ng lahat, ay isang mahalagang sertipiko para sa mga imigrante. Ito ay pangunahing requirement sa pag-aaplay ng family reunification o sa pag-aaplay ng carta di soggiorno. At sa Rovato, kung saan isa (1) sa bawat limang (5) residente ay dayuhan, ang bagong halaga ng sertipiko ay isang handog para sa Comune ng lungsod.

Ito ay nangyari na rin sa ibang lungsod sa North. Sinimulan sa Bolgare, malapit sa Bergamo, sa simula ng taong 2014 kung saan tumaas ang halaga ng sertipiko sa halagang 500 euros. Ipinawalang bisa ito ng hukom at itinuring na isang diskriminasyon at inutusan ang alkalde na iurong at ibalik sa mga imigrante ang kanilang ibinayad.

Ang overtaxing ay ipinatupad pa rin sa ibang Comune tulad ng Alpino, Pontoglio, Segrate, Telgate sa North kung saan itinaas rin ang halaga ng sertipiko, sa kabila ng mga reklamo at sentensya ng hukom.

Umakyat na rin ang kaso sa Parliament, na inatasan ang gobyerno na magtalaga ng fix amount. Ito ay inaprubahan noong nakaraang Hunyo, ngunit hanggang sa ngayon ay hindi pa kumikilos ang palazzo Chigi.

Samantala, si alkalde Tiziano Belotti ay itinuloy ang desisyong itaas sa higit sa 300 euros ang kapirasong papel kung saan nakasulat ang pagiging angkop ng isang tahanan.

Huwag nyong simulan ang pagbibintang ng diskriminasyon – ayon sa alkalde – ito ay ang average amount ng mga gastusin ng Comune ng Rovato sa pagbibigay ng sertipiko. Kailangan ang mga tekniko at kailangang suriin ang tahanan kung tunay na angkop upang tirahan at hindi mauwi sa isang basurahan”.