Kris at Coco, magkaibigan lang!

altSa presscon ng Walang Hanggan ng ABS CBN ay inusisa ng press kay Coco Martin ang tila pagkakamabutihan nila ni Kris Aquino na nagsimula pa sa pangangampanya ni Coco para kay President Noynoy Aquino.

Respeto diumano ang pinakamatinding dahilan ni Coco. Malaki ang respeto niya sa pamilya Aquino, kaya hindi niya magagawang ligawan o ituloy sa isang mas malalim pang samahan ang pagiging malapit nila ni Kris.

Itinanggi rin ni Coco na takot siya sa intriga o sa posibleng pambabatikos sa kanya ngunit hindi naman diumano takot ang binata kay Kris dahil sa kabaitang ipinapakita nito sa kanya.

Tila alam ni Coco kung saan galing ang tsismis. Ito ay nang ang deskripsyon ng lalakeng sinasabing magpapatibok muli sa puso ni Kris ay tumutukoy sa kanya.

Ngunit tila may tuldok sa mga pahayag ni Coco na mananatiling magkaibigan lamang ang relasyon ng dalawa at wala rin diumano sa plano niya ngayong 2012 ang magka-girlfriend.

Sa kabilang banda, matutunghayan ang mas inspiradong Coco Martin sa bagong tele serye nito kasama ng malalaking artista gaya nina Susan Roces, Eddie Gutierrez, Helen Gamboa, Richard Gomez at Dawn Zulueta.