PASKO NA!

 
Kamay ng orasa’y mabilis ang takbo
Parang hinahabol ang bawat segundo
Pati ang pag-ikot ng magulong mundo
Sing bilis ng ikot nitong ipo-ipo
 
Pagsikat ng araw sa dakong silangan
Hindi magtatagal at nasa kanluran
Lawak ng daigdig ginawang pasyalan
Labindalawang oras parang sandali lang

 
Pati mga dahon nitong kalendaryo
Nag-iisa na lang itong naririto
Parang kailan lang nagdaang Enero
Labindalwang dahon ngayo’y nagsosolo
 
Hulab ng paligid ay nag-iiba rin
Tulad ng paghihip ng mabining hangin
Pagdampi sa balat may hatid na lambing
Parang nagbabantang ang pasko’y darating
 
Ang hihip ng hangin ang palatandaan
Hindi magtatagal ang pasko’y daratal
Pag biglang sumimoy ang hangin amihan
Pati ang paligid nagiging luntian
 
Ang araw ng pasko’y araw na dakila
Araw ng pagsilang ng POONG LUMIKHA
Mga puso natin ay ating ihanda
At ating punuin ng galak at tuwa
 
Ang pagmamahal at pagpapatawad
Sa ating kaaway ating igagawad
Anuman ang galit sa puso’y namungad
Ating aalpasan bayaang lumipad
 
Maligayang Pasko  mga kababayan
Ka Ofw tayo ay magdiwang
Malayo man tayo sa mahal sa buhay
Tuloy din ang pasko di mapipigilan!
 
 
ni: Letty Manigbas Manalo