Ikaw, PILIPINAS ang Bayan ko - Ako Ay Filipino

17
Thu, Aug

Samut sari

Sa apat na sulok ng mundong ibabaw, Ipaglalaban ko ang tangi kong IKAW......

 

 

Ako'y Pilipino, malakas kong isisigaw

Hanggang ang tinig ko, ay umalingawngaw

Sa apat na sulok, ng mundong ibabaw

Ipaglalaban ko, ang tangi kong IKAW

 

Di ako papayag, maapi kang muli

Ng mga dayuhang, maitim ang budhi

Babantayan kita, sa bawat sandali

At sa kandungan ko, ay mamamalagi

 

Aking Pilipinas, tanging IKAW lamang

Ang paglilingkuran ko, habang nabubuhay

Ang kalayaan mong, hawak ko sa kamay

Di ko babayaang, ito ay maagaw

 

Ang mga bayaning, nagtanggol sa iyo

Nagbuwis ng buhay, iniwan ang mundo

Si Gat Jose Rizal, Emilio Aguinaldo

At Juan Luna, Melchora Aquino

 

Si Apolinario Mabini, at Sultan Kudarat

Di rin palalamang, si Marcelo del Pilar

Si Andres Bonifacio, at ang kanyang tabak

Ang sa kasaysaya'y,  ginawang panulat

 

Marami pang ibang, may dakilang puso

Nagbuwis ng buhay, nag-alay ng dugo

Hindi alintana, ang luhang tumulo

Ng naiwang supling, dala ang pangako

 

Ating gunitain, ang kadakilaan

Ng mga bayaning, nagtanggol sa bayan

Ngayong Hunyo dose, ating ipagdiwang

Ang dakilang araw, nitong KALAYAAN

 

Ang ating watawat, na may tatlong kulay

May tatlong bituin, at may isang araw

Ating ipagbunyi, ating iwagayway

Kasabay ang ating, malakas na sigaw 

AKO AY PILIPINO, PILIPINAS ang BAYAN ko

 

                 ni Letty M Manalo