Libangan - Ako Ay Filipino

24
Mon, Apr

PAALALA: Ang kwento pong ito ay kathang-isip lamang at layuning magbigay-aliw sa mga mambabasa. Anumang pagkakapareho sa pangalan ay hindi sinasadya at isang pagkakataon lamang. 

 

 

Inihihingi ko ng paumanhin

Ang kapangahasan kong gambalain

Ang nakahimlay mong diwa

Sa taludtod ng pagkalimot.

 

Dagli kang bumangon, mag-inat

Sukdang punitin ang pupungas-pungas

Na pag-iisp at ‘wag ipagkamaling

Isa itong bangungot sa tanan.

 

Hayaang ang isip ko’y makapanulay

Sa himaymay ng iyong kaibuturan.

Pahintulutang mangusap sa’yong kamalayan

Hanggang tulog na gunita ay maalimpungatan.

 

Kung hanggang sa ngayo’y dinuduyan ka

Ng oyayi at siping ng bukangliwayway,

Alalahanin sana, araw man may takipsilim

Sa isang kisap mata maglalaho, kakaway.

 

Ang alitaptap ay sa gabi lamang may ningning

Bahaghari mandin nagkukubli sa buhos ng ulan.

Maging ang batis natutuyo, nasasaid

Sampo ng dalisdis na nais nating tuntunin.

 

Kung ang pag-ibig ay balot ng hiwaga

Subalit salat sa matatag na batayan.

Uuk-ukin ito singtayog man ng lukso

Magugupo lamang tulad ng tsonggong palalo.

 

Mahal ko, ang sumpaan ay higit sa pangako

Ang salita ay hungkag na pahiwatig.

Ang pukyutang nilisan ng bubuyog

Sa mandaragit ay imbitasyong kaakit-akit.

 

Huwag ipagkibit kung akin man nasaling

Ang tinikling at kurlong na nakakaaliw.

Ang timyas ng harana ay wala sa ritmo’t mang-aawit

Kundi sa salimbayan ng dalawang pusong umiibig.

 

ni: Ibarra Banaag

 

More Articles...