Nawala o nanakaw ang iyong wallet? Narito kung paano magre-report sa awtoridad - Ako Ay Filipino

20
Fri, Oct

Life Style

Upang maiwasan ang karagdagang problema at alalahanin sanhi ng pagkawala ng dokumento o credit cards ay kailangang gawin ang ‘denuncia di smarrimento e/o furto’ sa awtoridad.

 

Hulyo 21, 2017 - Kahit na anong pag-iingat ay hindi maiiwasan ang mawalan ng dokumento o mas masaklap, ang manakawan ng wallet. Ito ay tila isang bangungot, hindi lamang dahil sa cash na laman nito kundi lalong higit sa mga documents at cards tulad ng Atm at credit cards na nasa loob nito.

Upang maiwasan ang karagdagang problema at alalahanin, ay kailangang gawin sa lalong madaling panahon ang ‘denuncia di smarrimento e/o furto’ sa awtoridad. 

Ito ay mahalagang gawin upang maiwasan ang mga sumusunod: 

  • kinatatakutang pagkakasangkot sa anumang krimen dahil sa identity theft. Dahil dito ay kailangang mapatunayan ang kawalang koneksyon at kaugnayan sa mga pangyayari;
  • maaari ring ma-clone at magamit ang mga credit cards at ma-withdraw ang inipon mula sa inyong account;
  • kinakilangan ang ‘denuncia di smarrimento e/o furto’ upang makahingi ng duplicate ng mga dokumento at credit cards.

 

Paano gagawin ang denuncia di smarrimento?

Magtungo lamang sa istasyon ng carabinieri, Polizia di Stato o Polizia locale. Mahalagang ibigay sa awtoridad ang mahahalagang detalye na makakatulong sa pagsusuri at pag-iimbestiga, kung kakailanganin. 

Bukod sa mga nabanggit, ilang taon na rin na maaaring gawin ang denuncia online na nagpapahintulot sa mabilis at agarang proseso. 

Matapos gawin ang report, ay kikilos ang awtoridad upang mapawalang bisa ang mga ito: dokumento at credit cards. Kung tumutukoy sa credit card, ang awtoridad ay magpapadala agad ng komunikasyon sa bangko upang ang mga ito ma-block. 

Gayunpaman, ipinapayo rin na tumawag sa financial insitution na nag-issue ng credit card upang abisuhan ukol sa pagkawala ng card. 

Mayroon bang limitasyon sa panahon sa pagre-report?

Wala, ngunit mahalagang gawin ito sa lalong madaling panahon upang mabigyang proteksyon ang may-ari at maiwasan ang mga posibleng epekto ng pagkawala ng dokumento o credit cards.

Denuncia online

Lingid sa kaalaman ng marami ay maaaring gawin ang denuncia di smarrimento e/o furto online. Ito ay sinimulan noong 2006 at pinapakinabangan ng marami dahil hindi kinakailangan ang lumabas pa ng sariling bahay para mag-report.

Sa pagre-report, magtungo lamang sa “Denuncia web” ng Polizia di Stato at siguraduhin ang pagkakaroon ng sumusunod na kundisyon: 

  • ang pagkawala o pagnanakaw ay sanhi ng mga hindi kilalang tao (ignoti);
  • ang pagkawala o pagnanakaw ay naganap sa pagkakataong hindi kinakailangan ang agarang interbensyon ng pulis.

Halimbawa, kung ang isang magnanakaw ay tinutukan ng patalim ang biktima upang ibigay ang bag nito ay hindi maaaring gawin ang denuncia online bagkus ay dapat magtungo sa istasyon ng pulisya para sa detalyadong report. 

Sa denuncia online, bilang unang hakbang ay ang pagre-register sa website. Pagkatapos ay ang paglalagay ng mga personal datas at pagsagot sa isang angkop na form. 

Paalala: Matapos ipadala ng denuncia online ay kailangan pa rin itong i-formalize ng personal. Dahil dito ay kailangang tandaan ang protocol number na ibibigay matapos isumite online report at magtungo sa istasyon ng pulisya sa loob ng 48 oras mula ng gawin ang report.