Petition Signing laban sa panukalang batas na HB3576 inilunsad sa Roma, Italya

Roma, Abril 15, 2014 – Sa pangunguna ng Ugnayan ng mga Manggagawang MIgrante Tungo sa Pag-unlad (UMANGAT-MIGRANTE),  Makabayang Atas ng Supremo Andress Bonifacio (MASA) at ng ibat-ibang lider ng komunidad at mga concerned OFWS ay nagsagwa ng Petition signing ang mga OFWS dito sa Roma para ipanawagan ang pagbasura sa panukalang batas na House Bill 3576 o “An Act Authorizing Ambassadors, Consul General, Chiefs of Missions or Charge d’ Affairs to order and direct an Overseas Filipino to send support to his or her legal dependents as required by existing laws” na isinumite sa kongreso ng kinatawan ng OFW Family Partylist na si dating Ambasador Roy Seῆeres.
Matatandaang simula pa lamang sa pagpasok ng taong 2014 ay naging mainit na usapin sa mga OFWs ang nakapending na panukalang batas na House Bill 3576 at umani ito ng matinding batikos mula sa ibat-ibang organisasyon ng mga migranteng Pilipino sa ibat-ibang panig ng mundo dahil ito ay isang napakalaking insulto sa mga OFWs at kanyang pamilya at ito rin ay pagpapanunumbalik ng “forced remittance decree”, o ng Executive Order 857  ni dating Pang. Ferdinand Marcos na malaon ng pinabasura ng mga migrante.
 
Sa ilalim ng HB 3576, inoobliga ang lahat ng land-based at sea-based na OFW na magpadala ng remitans sa “Philippine banking system or any authorized credit unions, money transfer operators or through the postal mail”. Kapag hindi regular na nagawa ito, sila ay papatawan ng karampatang parusa. Gayundin, ang mga pribadong recruitment agency ay awtorisadong obligahin ang mga OFW na magpadala.
 
Sa Seksyon 5 ng HB 3576, binibigyang-kapangyarihan din ang mga awtoridad ng mga embahada at konsulado na kumpiskahin ang mga pasaporte ng mga OFW kung hindi sila makakapagpadala.
 
Tinututulan naming mga OFW at aming mga pamilya ang HB 3576 dahil ito rin ay isa na namang mekanismo ng karagdagang kita para sa kanila at singilin mula sa amin”
 
Tulad ng EO 857 kung saan obligado ang mga OFW na magpadala ng 50-70% ng kanilang buwanang sahod/sweldo, ipinagbabawal din ng HB 3576 ang “padala/pakisuyo system” at nililimitahan ang pagpapadala ng remitans tanging sa mga “government-authorized channels”. Ang sinumang lumabag  ay paparasuhan din sa pamamagitan ng pagkumpiska sa kanilang mga pasaporte o hindi pag-renew ng kanilang mga kontrata.
 
Ibig sabihin, ang HB 3576 ay hindi totoong para sa kapakinabangan ng mga pamilya kundi lalo’t higit sa gobyerno, mga bangko at iba pang institusyong pinansyal. Isa na naman itong mekanismo ng pagpapabigat sa mga OFW na ibang tao ang makikinabang.
 
Naninindigan ang mga OFW at kanilang mga pamilya na ang HB 3576 ay isang panukalang batas na lalong magbabaon sa utang at kahirapan. Matatandaang ang dating forced remittance law ni Marcos ang siyang nag-anak sa samu’t saring mga lending institution na nagpista sa desperasyon ng mga OFW. Sagad-sa-buto ang pangungutang ng mga OFW nang ipatupad ang naturang batas. Lalo itong makakapinsala ngayong baon na nga sa utang bago pa man makalabas ng bansa dahil sa kaliwa’t kanang mga bayarin, buwis, pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo at kawalang-kabuhayan.
 
Dahil sa kanyang pagpasa sa HB 3576, lumilinaw ngayon ang pusisyon ni Rep. Seneres at OFW Family Partylist alinsunod sa pangkalahatang program ng rehimeng BS Aquino sa walang-ampat na pagbubuwis at panghuhuthot sa migrante at mamamayan. Para maisalba ang sarili sa krisis sa ekonomiya, umaasa ng malaki si BS Aquino sa remitans naming mga OFW para pagkunan ng karagdagang kita sa gitna ng malawakang korupsyon at kapalpakan sa gobyerno”, ayon pa sa Umangat-Migrante, Masa at mga Ofws.
 
Ibinasura ang forced remittance law noon sa sama-samang pagkilos at pagtutol ng mga migrante at kanilang pamilya. Handa muling gawin ito ngayon.
 
“Ibasura ang HB 3576! Tutulan ang sapilitang pagpapadala! Serbisyo, hindi negosyo! Proteksyon, hindi koleksyon!
BS Aquino, hindi gatasang-baka ang mga OFW!", pagtatapos pa ng Umangat-Migrante, Masa at mga Ofws.