Duelo ng samurai ng dalawang Pilipino sa Padova, isa Patay!

Patay ang isang Pilipino matapos ang tila duelo sa patalim sa Padova kahapon. Ang biktima ay nagtamo ng ilang saksak at taga sa katawan at natagpuan ang bangkay nito sa isang paradahan malapit sa stadio Euganeo sa Padova.

Kinilala ang biktima na si Walter Crispin Samiento Sahagunna taga Padova, may asawa at dalawang anak.  Agad namang natunton ng mga awtoridad si Melvin Arca, kapwa Pilipino na 37 taong gulang na siyang pinaghihinalaang nasa likod ng malagim na episodyong ito.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, malakas ang kutob ng mga awtoridad na “love triangle” ang ugat ng lahat. Inaalam pa ng mga ito kung ang pangyayari ay bunga ng isang napagkasunduang apuntamento ng dalawa sa lugar na pinangyarihan o kung ang biktima ay inabangan ng suspek sa kalsada.

Ang ikinamatay ng biktima ay ang mga tamang tinamo nito mula sa “roncola“, nakakahawig sa ating kampit o itak dahil ito ay natagpuan sa lugar ng krimen na may bahid pa ng dugo ng biktima.

Ayon sa mediko-legal nagtamo ng maraming tama ang biktima sa ulo at sa mga braso nito. Malapit sa kinatagpuan ng bangkay ay natagpuan ang dalawang  “katana”, uri ng espada na parang samurai, sa parking lot sa labas ng Euganeo stadium na iniwan sa kalsada, samantalang sa di kalayuan pa ay nakita naman ang isang sasakyan na nakabukas pa ang baggage compartment kung saan pinaghihinalaang nakatago ang mga sandata bago ito ginamit.

Isang babaeng residente ng lugar na malapit sa pinangyarihan ang agad na tumawag ng mga pulis matapos makarinig ng mga sigaw. Ayon sa testigo matapos niyang marinig ang  sigawan ay agad siyang dumungaw sa bintana at kanyang nasaksihan ang eksenang kalimitan ay makikita lamang sa mga pelikula. Isa sa dalawa ang bumulagta na duguan at ang isa naman ay naghubad at iwinagayway pa ang damit na para bang sinasabing “ako ang nanalo”. Ilang segundo pa ang lumipas at agad itong tumakas papunta sa isang kotseng nakaparada sa di kalayuan. Agad na rumisponde ang mga pulis at doon tumambad sa kanila ang malagim na eksena. Madaling nakita ang suspek dahil na rin sa ilang nakasaksi at naisulat ang plate number ng sasakyan. Pagkatapos na maaresto ang suspek ay agad namang hinanap ng mga awtoridad ang asawa ng biktima upang ipaalam ang trahedyang nangyari. Nililinaw pa ng mga pulis hanggang sa ngayon ang tunay na motibo na naging dahilan sa pagpaslang sa biktima.

 

Quintin Kentz Cavite Jr.