Monday, May 20th

Last update09:45:17 AM GMT

PAGTATANGGAL SA TRABAHO????




altAng pagtatanggal sa trabaho o lay off

Ang pagtatanggal sa trabaho ay itinuturing na lehitimo lamang kung may mga kalagayan tulad ng:
"tamang sanhi " (giusta causa) o "tanggap na sanhi” (giustificato motivo). Isang mabigat na dahilan o malubhang motibo ukol sa pag-uugali ng trabahador.


Ang "tamang sanhi ng pagtanggal sa trabaho" o “giusta causa”

Ang tamang sanhi ng pagtatanggal sa manggagawa ay ang pag-uugali  mismo ng trabahador na nagiging dahilan ng hindi pagpapatuloy, kahit pansamantala, ng pananatili sa trabaho. Ito ay maaaring isang malubhang paglabag ng mga empleyado na nagtatanggal ng tiwala ng employer. Maaaring dahilan ng tamang sanhi ng pagkakatanggal sa trabaho ay ang walang katwirang pagliban sa trabaho, ang mga insulto at banta laban sa amo o mga kasamahan, ang krimen sa pagganap ng gawain (hal. isang pagnanakaw) o pagkakasala na, kahit na naganap sa labas ng  trabaho ay nagiging sanhi ng pagkawala ng tiwala sa pagitan ng empleyado at employer.  Ang tamang sanhi ng pagtatanggal sa trabaho ay nagbibigay-daan sa pagpapaalis ng mga empleyado, nang walang paunang abiso.


Ang "tanggap na sanhi ng pagtanggal sa trabaho" o ang “giustificato motivo”

Ang pagpapaalis sa trabaho para sa isang tanggap na sanhi ay maaaring subjective o objective.
Ang ibig sabihin ng subjective ay ang paglabag sa nilalaman ng kontrata ng manggagawa, ngunit ito ay hindi mabigat na sanhi upang hindi maging dahilan ng pagpapaalis at samakatuwid, ang mga employer ay obligadong magbigay ng abiso. Maaring maging sanhi lamang para sa pagpapaalis ang mga kasong subjective tulad ng hindi sapat na resulta ng trabaho ng manggagawa, kung ang isang empleyado ay nagkasala sa pag-uugali, o paglabag sa tungkuling ng pangangalaga, pagkamasunurin at katapatan sa bawa't dapat sundin bilang mga trabahador.
Ang ibig namang sabihin ng objective ay ang aksyon mula sa employer na tanggalin sa trabaho o ang tanggalin mula sa pwesto o department ang empleyado dahil sa account ng productivity, sa organisasyon ng trabaho at sa hindi maayos na pamamalakad nito. Sa ganitong mga kaso ang employer ay obligadong magbigay ng abiso (o magbayad ng kaukulang multa kapalit nito) sa mga empleyado.

Sa ilang mga kaso, gayunpaman, ang mga employer ay maaaring tanggalin ang mga manggagawa ng walang wastong dahilan o tamang sanhi. Ito ay ang tinatawag na "ad nutum”. Ito ay maaari sa mga colf, manggagawa  na may edad na labis sa 65 anyos o maaaring umabot na sa edad ng pagreretiro, para sa mga propesyonal na ATLETA, para sa mga apprentices at manggagawa nasa ilalim pa lamang ng test o proba. Sa mga kasong ito, ang employer ay obligado na magbigay ng abiso. Sa pagpapaalis ng walang abiso, ang employer ay dapat magbayad ng isang compensation o kaukulang multa sa empleyado.
Ang employer, kapag nais na mag- terminate ng empleyado, ay dapat sundin ang mga pamamaraan upang mapangangalagaan ang posibilidad ng manggagawa na tanggihan ang pagpapaalis. Ang mga employer ay nagbibigay ng kasulatan bilang abiso ng pagtatanggal sa trabaho.

Ang uri  ng pagpapaalis sa trabaho

Ang wastong pagpapaalis sa trabaho ay ang pagbibigay sa empleyado ng abiso sa pamamagitan ng isang sulat o liham. Ang berbal na pagpapaalis ay walang anumang halaga. Kung ang employer ay nagtanggal sa trabaho at ito ay berbal lamang, ang manggagawa ay dapat na pumasok pa rin at magtrabaho upang maiwasan itong maging sanhi ng tuluyang pagpapaalis. Ang mga dahilan ng pagpapaalis ay maaaring hindi ibigay agad ng employer, ngunit kung hinihingi ito ng empleyado, ang employer ay maaring ibigay ang mga dahilan sa pamamgitan ng isang sulat o liham.
Ang employer ay dapat magbigay ng abiso sa panahon at sa paraang nakasaad sa kontrata. Ang panahon ng abiso ay magsisimula mula sa petsa ng pagtanggap ng abiso ng pagpapaalis at sa panahong ito ay hindi maaaring ibilang ang araw ng bakasyon. Sa kawalan ng abiso, ang employer ay dapat magbayad ng isang kabayaran sa pinsala katumbas ng halaga ng suweldo sa panahon ng dapat ibigay ang abiso. Ang abiso, gayunpaman, ay maaaring hindi ibigay sa mga kaso ng pagpapaalis na may tamang sanhi o “giusta causa”.

 

Reklamo sa pagpapaalis o pagtatanggal sa trabaho

Kung para sa empleyado ay hindi makatarungan  ang pagpapaalis ay maaaring tutulan ito sa loob ng 60 araw ng abiso o ng komunikasyon ng mga dahilan ng pagtanggal sa trabahp, (kung ito ay ipinadala matapos ang abiso). Ang reklamo ay dapat na gawin sa pamamagitan ng isang sulat. Nararapat na gumamit ng mga ebidensya upang maipakita na tunay na natanggap ang sulat, maaaring sa pamamagitan ng registered mail with return card. Matapos ang apila sa abiso ng pagpapaalis, ang empleyado ay may 270 na araw simula sa pagkakatanggap ng sulat ng employer upang pumili sa pagitan ng isang pagkikipag-kasundo sa employer (o magkaroon ng kasunduan) o ang pagtatanghal ng isang aksyon sa hukuman. Kung ang empleyado ay magpasiya para sa isang pakikipag-kasundo na hindi hahantong sa isang kasunduan, ang empleyado ay maaari pa ring lumapit sa hukom ng trabaho (Giudice del lavoro). Sa kasong ito ang deadline sa pagpa-file ng apila ay 60 araw matapos ang nabigong pagtatangka ng pakikipagkasundo. Sa kasong di-makatarun ang pagpapaalis ay palaging ipinapayo ang agad na makipag-ugnayan sa isang abogadong eksperto sa mga karapatan sa trabaho.

 

 

Joomla Templates and Joomla Extensions by ZooTemplate.Com

ANO ANG PENSIYON PARA SA MGA BANYAGANG MANGGAGAWA SA ITALYA?

altSa Italya, ang mga regular na manggagawa, tulad ng mga empleyado, independiyenteng, mga propesyonal at negosyante, ay maaaring maghulog ng kontribusyon sa social security. Ito ay  katulad ng pensiyon ng mga Italians.

Sa kaso ng mga subordinate jobs, ang mga employer, ayon sa batas, ang dapat maghulog ng kaukulang kontribusyon. Para sa kaso naman ng mga self employed, ang mga propesyonal ang magbabayad ng kontribusyon sa social security.

Kapag natapos ang mga taon ng pagtatrabaho, ang pagbibigay ng pensiyon ay manggagaling  mula sa INPS. Kahit na ang mga banyagang manggagawa sa kanilang pagbabalik sa sariling bansa, ay mapapanatili ang kanilang karapatan sa pensiyon na naipon sa Italya.

Ang mga banyagang manggagawa na naging regular matapos ang Enero 1, 1996, ay maaaring tumanggap, sa kanilang pagbabalik sa sariling bansa, ng pensiyon sa pagreretiro (kinakalkula sa sistema ng kontribusyon) sa edad na 65 taong gulang, bagaman hindi nakumpleto ang mga kinakailangang taon na paghuhulog ng kontribusyon (halimbawa ay mas mababa sa 5 taon ng kontribusyon).

Ang mga banyagang manggagawa na naging regular matapos ang 1996, ay maaaring tumanggap, sa kanilang pagbabalik sa sariling bansa, ng pensiyon sa pagreretiro (kinakalkula sa sistema ng kontribusyon o magkasamang kalkulasyon) kung umabot sa dalawanpung taon ang kontribusyon at umabot sa edad na 65 taong gulang (parehong limitasyon ng edad para sa lalaki o babae).

Kung sakaling nagnanais bumalik sa sariling bansa, ay maaaring mangailangan ng pagkilalà sa mga kontribusyon na binayaran sa Italya. Ito ay ibinibigay sa pamamagitan ng isang internasyonal na kasunduan sa pagitan ng Italya at ng bansang pinanggalingan.

Joomla Templates and Joomla Extensions by ZooTemplate.Com

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA KANSER SA BITUKA

altAng aming inilalathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doktor o espesyalista na maaari pang magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makapagbibigay- linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.

Hindi biro ang mga pangalang Pangulong Corazon Cojuangco- Aquino at Rio Diaz- Cojuangco na ang mga napakagandang mga buhay at career ay nagwakas gawa ng “colon cancer”. Makaraang sila’y yumao, dumami ang nagkainteres na malaman kung ano ang colon cancer at iba pang mga impormasyon tungkol dito.

Ang bituka ay ang pinakamahabang bahagi ng sistema ng pantunaw na daanan ng pagkain. Ito ay may dalawang bahagi: ang maliit na bituka, kung saan natutunaw ang pagkain, at ang malaking bituka, kung saan natutunaw ang tubig at asin. Ang malaking bituka ay may dalawang bahagi – ang kolon at ang rectum (tumbong).

Ang kanser sa bituka (kilala rin bilang colorectal cancer) ay isang pagtubo ng kanser na kadalasang nagsisimula sa panloob na balot (dingding) ng malaking bituka. Karamihang mga kanser sa bituka ay nagsisimula mula sa mga polyps. Ang mga polyps ay kadalasang kamukha ng maliliit na bukol, katulad ng isang kabute na parang may leeg at ulo. Ang leeg ay siyang nagkakabit ng polyp sa sapin ng bituka. Maaari itong tumubo nang mahabang panahon bago kumalat sa ibang mga bahagi ng katawan (metastasis) sa pamamagitan ng dugo at sistemang limpatika. Ito ang dahilan kaya dapat maagang matuklasan ang kanser sa bituka para sa mas malaking pagkakataon (90%) na magamot ito.

Ang kanser sa bituka ay maaaring mangyari sa anumang edad, ngunit ang panganib ay mas malaki kung ikaw ay lampas sa limampung taon ang edad. Ang panganib na ikaw ay magkaroon ng kanser sa bituka ay nadadagdagan din kung ikaw ay: may malakas na kasaysayan sa pamilya kaugnay sa kanser sa bituka; at nagkaroon ng malalang sakit na pamamaga sa bituka (ulcerative colitis or Crohn’s colitis) sa mahigit na walong taon; may karanasan sa polyps o adenomas; may hindi malusog na gawaing pamumuhay – kulang sa aktibong mga gawain at masamang pagkain; mataba o sobrang bigat; naninigarilyo o malakas uminom ng alak; at may Type II diyabetis.

Mga palatandaan sa kanser sa bituka:

Hindi lahat ng mga uri ng kanser sa bituka ay nagpapakita ng mga palatandaan ngunit kailangan mong magpatingin sa doktor kung ikaw ay may napapansin alinman sa mga sumusunod: i) pagdurugo mula sa puwitan o anumang palatandaan ng dugo matapos dumumi; ii) patuloy na pagbabago sa mga ugaling pagdumi gaya halimbawa, malambot o mas madalas na pagdumi, madalas na pagtitibi; iii) pakiramdam na hindi lumalabas nang husto ang dumi; iv) hindi maipaliwanag na kapaguran, kahinaan o kahirapan sa paghinga. Ang mga ito ay maaaring dahilan sa anemia na sanhi ng kawalan ng iron. Ang uri na ito ng anemia ay maaaring resulta ng kanser sa bituka; v) sakit sa tiyan; at vi) pagbaba ng timbang nang walang maliwanag na dahilan.

Kung ikaw ay may anuman sa mga palatandaang ito, magpatingin sa iyong doktor na magbibigay sa iyo ng reperal para sa anumang mga pagsusuri na maaari mong kailanganin.

Pagsusuri para sa kanser sa bituka:

Pisikal na pagsusuri na may kasamang pagsusuri sa tumbong kung saan ipinapasok ng doktor ang nilangisang daliring may guwantes sa tumbong upang kumapa ng mga bukol.

Faecal occult blood test (FOBT) o Hemoccult test  ay isang simpleng pagsusuri para sa maagang palatandaan ng kanser sa bituka. Nakapaloob dito ang pagkuha ng mga maliliit na sample mula sa dalawa o tatlong beses na pagdumi sa pamamagitan ng paggamit ng kit para sa pagsusuri. Ang mga sample ay kinokolekta sa bahay at pagkatapos ay ipinapadala sa isang laboratoryo upang masuri.

Ang FOBT ay naghahanap ng mga kakaunting dami ng dugo sa pagdumi (ang dugong di maaaring makita ng iyong mga sariling mga mata). Ang dugo sa pagdumi ay maaaring sanhi ng isang polyp (tumutubo sa loob ng bituka na maaaring mauwi sa kanser) o isang kanser sa bituka na dumudugo o ng almoranas.

N.B: Ang mga lalaki at babaeng lampas sa limampung taon ang edad ay dapat magkaroon  ng FOBT tuwing ikalawang taon.

Sigmoidoscopy kung saan ang isang manipis at nababaluktot na tubo ay ipinapasok sa tumbong upang makita ng doktor ang ibabang bahagi ng malaking bituka.

Colonoscopy kung saan ang isang manipis at nababaluktot na tubo ay ipinapasok sa tumbong upang makita ng doktor ang kabuuang haba ng malaking  bituka.

Biopsy ang pagtatanggal ng mga muwestra ng himaymay upang suriin.

Barium enema kung saan ang likidong barium at hangin ay inilalagay sa tumbong upang makita ang malaking bituka sa x-ray.

Pagsusuri sa dugo upang tingnan ang kawalan ng dugo at kung gaano kahusay ang paggana ng atay.

Kapag nakahanap ng mga tumor, maaaring mag-utos ang iyong doktor ng mga x-ray, CT scan at iba pang mga uri ng pagsusuri ng dugo, upang malaman kung kumalat na ang kanser sa ibang mga bahagi ng katawan.

Mga lunas pagkatapos ng iyong pagsusuri:

Operasyong upang tanggalin ang tumor. Ang uri ng operasyon ay batay sa kinalalagyan at laki ng tumor. Karaniwang tinatanggal ang bahagi ng malaking bitukang may kanser.

Radiation Therapy upang pigilan o pabagalin ang pagtubo ng kanser. Ito ay karaniwang ginagamit pagkatapos ng operasyon upang sirain ang mga naiwang mga selula ng kanser.

Mga gamot ng Chemotherapy upang patayin ang mga selula ng kanser. Ang mga gamot na ito ay iniinom, iniiniksyon sa kalamnan o ugat, o diretso sa apektadong organo upang gamutin ang kanser.

Immunotherapy na tinatawag din na biotherapy. Ang lunas na ito ay ang paggamit ng natural substances gawa ng immune system ng katawan. Pinapatay nito ang mga selula ng kanser, pinapabagal ang kanilang paglaki o tinutulungan ang immune system na labanan ang kanser sa mas mabuting paraan at upang mabawasan ang mga masamang epekto ng ibang mga lunas ng kanser.

Makakatulong na mabawasan ang panganib sa kanser sa bituka sa pamamagitan ng: i) diyetang may pampalusog na pagkain, kabilang ang maraming gulay at prutas at kaunti lamang na taba mula sa hayop; ii) pagpapanatili ng malusog na timbang ng katawan; iii) pag-eehersisyo ng palagian; at iv) hindi paninigarilyo.

Sa pamamagitan ng pagsunod sa payong ito, hindi nangangahulugan na hindi ka kailanman magkaroon ng kanser sa bituka, ngunit maaari nitong mabawasan ang panganib.

Ang FNA ay isang independent, non-commercial, non-profit, non-partisan, non-sectarian volunteer organization. Ang pagkuha ng ng blood pressure at blood sugar/cholesterol test ay kabilang sa mga serbisyong ibinibigay namin tuwing medical outreach. Kung nais ninyong magpa-schedule ng outreach para sa inyong organization o community, pakitawagan lamang sina Gng. Julia Garzon- Ferrer, FNA Secretary, sa numerong 3270885838 at si Bb. Nenette Vecinal, FNA Assistant Secretary, sa numerong 3295371278 para mapag-usapan at mai-schedule ito. Maraming salamat po. FNA ROME - ITALY

 

Joomla Templates and Joomla Extensions by ZooTemplate.Com

Shabu, dahilan ng pagkakakulong ng mga Filipino sa Italya.

May animnapu’t apat na Filipinong kasalukuyan ay nakakulong sa Italya, karamihan sa kanila ay naaresto dahil sa shabu.

altAyon sa Ministero della Giustizia, sa huling ulat nito noong 31 Marzo 2011, may animnapu’t apat (64) na mga Pilipinong nakakulong sa Italya;11 babae at 53 na lalaki (narito ang table). Karamihan sa kanila ay nahuling nagbebenta ng shabu sa ating mga kababayan, natagpuan ang shabu sa kanilang tahanan o ang nagdala o nagpasok ng shabu mula sa ating bansa matapos ang isang bakasyon sa Pilipinas. Kadalasan ang mga nahuhuli sa airport ay biktima lamang at hindi alam na ang padala ng kababayan sa pagbalik ng Italya ay naglalaman ng ipinagbabawal na gamot.

Shabu, ano ba ito at anu-ano ang epekto nito sa katawan ng tao?

Ang shabu o methampetamine ay isang bawal na gamot, na ang karaniwang anyo ay kulay puti na pulbos na maaaring ihalo sa tubig at iturok. Ito'y may preparasyon rin na maaaring singhutin o langhapin; ito'y tinatawag na "ice". Ang shabu ay isa sa mga ipinagbabawal na gamot ayon sa Republic Act 9165, at matindi ang parusa sa pag-gamit, pagbebenta, o pagbili nito. Ang sinumang mahuli na may 50 grams na shabu ay maaaring paratangan ng habangbuhay na pagkakulong o kamatayan.

Ang shabu ay nakaka-"high" dahil pinapakawalan nito ang Dopamine sa utak ng tao. Ang Dopamine na syang umaaksyon sa iba't ibang bahagi ng utak at ng katawan ang siyang dahilan ng "high" o "rush" na tinatawag.

Ano ang mga masamang epekto ng shabu?

Mga pangmadaliang epekto ng shabu:

  • Pagka-high o pagiging masayang masaya
  • Salita ng salita
  • Pag-iinit ng katawan
  • Pagiging Hypersexuality
  • Kawalan ng ganang kumain
  • Pagbilis ng paghinga
  • Kawalan ng pagod

Mga pangmatagalang epekto ng shabu:

  • Pagka-addict sa shabu
  • Pagdepende sa shabu
  • Pagiging bayolente
  • Pagkalito
  • Pag-iiba ng personalidad at ugali
  • Pagkawala sa sarili / Pagkasira ng ulo
  • Hindi makatulog / Hirap matulog
  • Pagbawas ng timbang
  • Pagkadinig o pagkakita ng mga bagay na hindi naririnig/nakikita ng iba
  • Mga komplikasyon sa utak, puso, at iba pang bahagi ng katawan

Ayon sa mga iba’t ibang patotoo, hahanapin ng katawan ang 20 beses na gamit nito upang marana san ng husto ang epekto. Sa ibayong dagat, ito ay binabalik balikan ng mga hindi Pinoy na gumagamit dahil sa epekto nito, 8 hanggang 9 na beses kumpara sa coccaine.

Sa madaling salita: Nakakasira ng buhay ang pag-gamit ng shabu. Bukod dito, maaari rin itong magbigay ng sensasyon ng pagpapakamatay o ang nais pumatay ng tao. Ang malason sa shabu ay siya ring tinatawag na methampetamine toxicity. Ito'y nangyayari sa mga nasobrahan ng shabu. Dilat ang mata, mataas ang presyon, hindi regular ang tibok ng puso, pinagpapawisan, nag-iinit at hindi makatulog ang pasyenteng nalason sa shabu.

Samakatwid, ang shabu ay isang delikadong gamot na dapat iwasan di lamang ng Pilipino, lalo na ng mga kabataan na maaaring ma-alok  o ma-imbitang subukan ito. Ang shabu ay nakakasira ng buhay.

Joomla Templates and Joomla Extensions by ZooTemplate.Com

MGA DAPAT MALAMAN TUNGKOL SA ALLERGIC RHINITIS

GABAY KALUSUGAN HANDOG NG FNA-ROME

Padating na ang spring o primavera, isang masayang panahon kung saan nagsisipaglabasan na ang mga ibon, bubuyog at namumulaklak ang kapaligiran. Ngunit kasabay naman nito ang tinatawag na allergic rhinitis. Ito yung panahon na nadidiskubre ng marami na mayroon silang sintomas ng allergy na nararanasan ng milon-milyong tao sa iba’t-ibang parte ng mundo. Ito ay dahil sa mataas ang level ng allergens (o sanhi ng allergy) nitong mga panahon.
Ang ilan sa mga pangkaraniwang allergens ay ang pollen ng iba’t-ibang halaman gaya ng mimosa at damo, alikabok sa bahay, balahibo ng aso at pusa, atbp. Sa taong hindi allergic o sensitibo sa mga ito, walang epekto ang mararanasan kung sila ay makakasinghot nito. Ngunit kapag ang isang taong allergic sa isa o higit pa sa mga allergens ang nakasinghot nito, tiyak at labis ang epekto sa kanila at bigla-biglang naglalabas ng kemikal na histamine ang mga katawan nila para labanan ito.
Ang ilan sa mga karaniwang sintomas ay ang pamamaga at pamumula ng ilong, labis na sipon, pagbara at pangangati ng ilong, masakit na ulo at lalamunan, at labis na pagbahing.
Maari naman itong bigyang lunas sa pamamagitan ng mga gamot tulad ng antihistamines (na siyang kumakalaban sa histamines upang hindi magkaroon ng allergy symptoms), decongestant (na siyang nag-aalis ng sipon na bumabara sa ilong) at nasal steroid (na karaniwang mga spray na pumipigil sa pamamaga ng ilong na ginagamit pag mas malubha na ang allergy). Paalala: Ang mga antihistamines ay may epektong nakakaantok, kaya iwasan ang pag-inum nito lalo na kung kayo ay magmamaneho. Importante pa ring kunsultahin ang inyong doctor bago gumamit nito.
Maaari namang iwasan ang mga sintomas nito kung susundin ang iba pang mga tagubilin ng mga eksperto. Ayon sa kanila, importanteng simulan ang masusing paglinis ng bahay (pulizie primaverile) para matanggal ng husto ang mga molds (muffa) sa mga kasuluksulukan ng mga bahay. Ang mga allergic ay inaabisuhan ding umiwas sa paglabas ng bahay ng madalas lalo pa kung mataas ang bilang ng pollens. Kung hindi naman maiiwasan ito, abiso ng mga duktor na uminom ng angkop na gamot mga 30 minuto bago lumabas.  Makakatulong din kung palagiang panatilihing nakasara ang mga pintuan at serranda upang hindi makapasok ang mga allergens at iwasan ang paggamit ng bentilador na maaring humigop ng hangin papaloob ng tirahan. Makakatulong din ang madalas o lingguhang paglaba ng mga kumot at sapin ng kama sa mainit na tubig at kung kinakailangan ay patuyuin ito sa loob ng bahay upang di kapitan ng pollen o iba pang allergens.
Dagdag pa nila, makakatulong din daw sa paglunas ang pagligo at paghugas ng buhok at balat paguwi galing sa lakaran upang matanggal ang anumang allergens na kumapit sa buhok at balat bago matulog. Kung kayo ay may alagang aso o pusa, iwasang sila ay pumasok sa inyong mga kuwarto sapagka’t medaling kapitan ng mga pollens ang mga balahibo nito. Kung kayo naman ay bibiyahe lulan ng kotse, iwasang buksan ang bintana at kung gumamit man ng aircon ay siguraduhing hindi nakadirekta sa inyo ang air vents nito. Kung kinakailangan namang pumunta ng giardino o parco, siguraduhing gumamit ng mask.   
Importanteng magpasuri sa doctor kung ikaw ay nakakaranas ng mga sintomas nito. Ito ay upang matiyak na wasto at sapat ang lunas na maibibigay sapagka’t maaring maging delikado ang paginom ng gamot na hindi wasto. Minsan naman may mga gamot na hindi wasto para sa iyo at wala kang makukuhang lunas.

FNA-Rome

Ang aming inilathala ay sadyang gabay lamang. Importante pa rin ang pagsadya sa doctor o espesyalista na maaring magbigay ng iba pang mga tagubilin ayon sa mga pangangailangan ng bawat pasyente. Sila rin ang makakapagbigay-linaw kung mayroon pa kayong mga katanungan o pag-aalala tungkol sa inyong kalusugan.

Sa mga nais tumulong at sumuporta sa mga programa ng FNA, o nais magpa-schedule ng medical outreach pakitawagan lamang si Gng. Julia Garzon-Ferrer, FNA Secretary, sa numerong 3270885838 o si Gng. Ganymede Soliven, FNA Community Relations and Information Officer, sa numerong 3883629949. Maraming salamat po!
We would like to insert an acknowledgement to Sta. Maria Goretti Filipino Community for donating a Blood Pressure apparatus to FNA.

 

Joomla Templates and Joomla Extensions by ZooTemplate.Com